Wednesday, August 1, 2012


"Kultura ng Angono: Pinagyabong ng Musika at Sining"
Ang Nuno, matatagpuan sa Baranggay Poblacion Itaas

   Ang Bayan ng Angono ay isang Unang Klaseng bayan sa lalawigan ng Rizal at matatagpuan sa Silangan ng Maynila.
Itinatag ito bilang isang pueblo noong 1776 at naging bayan noong 1935. Natamasa nito ang kaunlaran sa paglipas ng panahon. Nagsimula ito bilang isang maliit na bayang nagsasaka at nangingisda, ngunit umunlad sa isang makabagong bayan na nagkaroon ng madaming maliliit at katamtamang laking mga negosyo, na karamihan ay mga bangko na nagsitayo ng mga sangay sa bayan. Ang mga sikat na fastfood at iba pang mga establisyamento ay nagkaroon din ng mga sangay.
   Kilala rin ang bayan ng Angono bilang Kabisera ng Sining ng Pilipinas. Tahanan ito ng dalawang Pambansang Artista ng Pilipinas, si Carlos V. Francisco para sa Pagpipinta (1973) at Lucio D. San Pedro  para sa musika (1991). Kilala rin ang bayan dahl sa pinakamatandang gawa ng sining sa Pilipinas, ang Angono Petroglyps  subalit ito ay nasa hangganan ng Angono, Binangonan at Antipolo sa lalawigan ng Rizal. (wikipedia.com)
Paper Mache' na HIGANTES
   Kilala ang natatanging bayan na ito sa pagdiriwang ng taunang "Higantes Festival" na ginagananap tuwing Nobyembre 22 kasunod ang Pista ng Bayan na nagbibigay pugay sa Patron na si San Clemente I. Pero noong panahon ng mga Kastila,ipinagbawal ng mga may-ari ng hasyenda ang pagkakaroon ng anumang pagdiriwang. Maliban sa gastos sa paghahanda sa pagdiriwang, iniiwasan din ng mga hasyendero na magkaroon ng pagdiriwang para sa mga paganong paniniwala.           Ang pagdiriwang lamang para kay San Clemente ang kanilang pinapayagan. Sinamantala ng mga mamamayan ang pagkakataon kaya naghanda sila ng maraming pagkain, nagsuot ng makukulay na damit, at nagdaos ng isang malaking prusisyon kung saan kasama ang mga higante na gawa sa papel na kawangis ng kanilang mga among Espanyol. Noon ay dalawa o tatlong higantes lamang ang ginagawa bilang pagsimbulo sa mag-anak. Noong 1987, iminungkahi ni Perdigon Vocalan na lahat ng barangay sa Angono ay dapat mayroong dalawa o tatlong higantes na sisimbulo sa industriya o pagkakakilanlan ng mga ito.

Patron ng mga Mangingisda, San Clemente I

   Ang pinakamalaking pagdiriwang sa bayan ng Angono ay para kay San Clemente, patron ng mga mangingisda. Ang imahen ng santo ay binibitbit ng mga lalaking deboto habang nagpuprusisyon kasabay ang mga “pahadores”, (mga deboto na nakadamit ng makukulay na kasuotan o ng kasuotan ng mga mangingisda, sapatos na yari sa kahoy at may bitbit na sagwan, lambat at iba pang gamit sa pangingisda) at mga “higantes” (mga higanteng gawa sa papel na may taas na umaabot sa sampu hanggang labindalawang talampakan.) Nagtatapos ang pagdiriwang sa isang prusisyon patungong Laguna de Bay hanggang maibalik ang imahen ng santo sa parokya.

       Dalawang linggong selebrasyon ng pista ng Angono. Bahagi rin ng pagdiriwang ang Misa Cantada, nobena, paligsahan sa pagsayaw at pagkanta, paligsahan sa pagluluto ng itik, paligsahan sa pagpipinta at ang pabilisan sa pagtakbo ng mga Higantes at prusisyon ng pagoda. Ang prusisyon ay ginagawa sa buong bayan, kung saan ang imahen ng santo ay dinadala sa Laguna de Bay at paglalakbayin lulan ng pagoda hanggang sa makabalik sa simbahan. Habang ginagawa ang prusisyon, ang mga deboto at mga nakikisaya ay nagbabasaan ng tubig